Napaka-gagaling mang-uto ng mga kundoktor sa maynila! Kapag sumasakay ako ng bus sa Makati, siguro isa lang ako sa maraming nagogoyo ng mga kundoktor. Sasabihin nila maluwag pa, maraming upuan, tapos pagsakay mo tama nga sila, maluwag pa sa gitna para tumayo! Ang nakakainis pa, hindi ka na pwedeng bumaba dahil bawal bumaba sa sakayan. Kunsensya mo pa kung maging pasaway ka at bumaba ka dahil mahuhuli yung bus at ma-aabala yung mga sakay nila.
Madalas din kapag pumapasok naman ako, pilit na sinisiksik nung mga kundoktor na yan yung mga tao sa gitna. Sasabihin, "Boss maki-usog po dun sa likod oh at naaaapaaaakaaaluwag pa dyan.", Wow manong! Naaaapaaaakaaaaaluwag ba kamo ng bus nyo? Ano yan MOA??? Feeling siguro nila mga gummy bears yung mga pasahero nila na lumiliit habang sinisiksik. Eh kung kayo kayang mga kundoktor ang isiksik ko ng husto sa isang bus at ng maintindihan nyo kung anong pakiramdam!
Meron pang ibang kundoktor na kunyare concern na concern, "Konting urong naman po dyan sa likod oh, para makasakay naman po yung iba at makapasok din (sa trabaho)." Hay kuya 'wag ka ng dumrama dyan dahil hindi effective!
Ang nakakainis pa sa mga yan, ang baiiiiiiittt bait bait nila kapag sasakay ka. Pero kapag bababa ka na nako! Sila pa yung galit! "Paki-bilisan naman nung mga bababa dyan oh!" Manong aba! Paano naman magiging mabilis maka-baba eh halos wala ng daanan sa gitna dahil puno ng tao na pilit nyong siniksik! Meron pa, "Oh, mga bababa ng megamol! megamol! megamol!" Kuya Shangri-La palang! Ang layo pa ng megamall! Tapos, kapag hindi ka umimik nung nagpapababa sila ng megamol sa shangri-la at dun ka bumaba sa babaan ng megamall, sila pa ang galit. "Nakoooooo! kanina pa sinabing megamol eh!" Nakaka-inis! 'di ba Monch??? Haha. Madalas nararanasan ko yan kapag pauwi ako ng Bulacan. Wala pa kami sa terminal ng Five Star sasabihin nung kundoktor, "Oh yung mga bababa ng Baliwag! Baliwag! Dito na po!" Gusto ko nalang sabihin, "Ay nalipat na pala yung terminal ng Baliwag, mas lumapit na sya."
Hindi naman ako yung tipong gusto kong bumaba sa saktong sakto. Ang sakin lang, may mga tamang babaan naman. Sana sundin naman nila yon. Isa pa, konting respeto naman. Lahat naman tayo nagtatrabaho. Lahat tayo kailangang kumita. Pero sana 'wag tayong maka-sarili. Isipin din natin kung mabuti pa ba yung nagagawa natin o hindi. Hindi mo naman ikakayaman yang pangsi-siksik at pang-aabala sa iba.
Sana lang din kasi maging maayos yung pasahod sa mga driver at kundoktor para hindi sila ganyan. Kung meron lang siguro silang fixed na sahod at allowance at hindi sila kaparte lang ng kumpanya eh hindi naman siguro sila magkukumahog at ipagsisiksikan hanggang sa kahuli-hulihang espasyo ng bus nila yung mga pasahero. Sabi ko nga, isipin din natin yung kalagayan ng iba. Hindi ang sarili lang natin.
Kayo? Anong pinakanakaka-stress na nararanasan nyo sa bus???
No comments:
Post a Comment